Anti-Tsismis Proven Tactics

 
 
 
Isa sa mga hindi natin pinapansin na problema sa pagiging OFW ngunit pinaka nasasaktan tayo kapag naging biktima tayo nito ay ang Tsismis.  Marami na itong nabiktima at marami na ding nasira ang buhay dahil dito.  Ang masama ay patuloy pa rin itong lumalaganap lalung-lalo na sa mga kababayan nating OFW.  Halika’t alamin natin ang Anti-Tsismis Proven Tactics na siguradong makatutulong sa iyo.

 

Bakit nga ba may Tsismis?

3 E’s
 
Escape
Ang pagiging tsismosa o tsismoso ay hindi normal.  Para sa akin, isa itong pagtakas sa katotohanan imbes na pagtuonan ang oras sa sariling problema ay ibinabaling at inuubos na lang sa pakikialam sa buhay ng iba ang oras. Alam nating lahat na ang pinaka mahalagang dapat natin sine-save ay hindi pera kundi ang oras (time).  Time is the most precious commodity sapagkat hindi na ito maibabalik.  
Sapagakat ang tsismis ay isang uri ng pagtakas sa problema at marami naman talagang OFW na may malalaking problema kung kaya’t napakarami ding tsismoso/tsismosa.  Paano ba nga natin maiiwasan ito?  May paraan ba para tuluyang mawala sa buhay natin ang tsismis?
 
Entertainmament
Tanggap nating lahat na isa rin itong uri ng libangan.  At libangan ang pinaka-kinakailangan natin para maibsan ang lungkot, home-sickness, o pagkaburyong.  Ngunit tanggap lamang natin ito na libangan kapag hindi tayo ang pinag uusapan.  Kung minsan pa nga eh lagi tayong sumasali sa mga tsismisang usapan para lang hindi tayo ang mapag usapan.  If you can’t beat them, join them ika nga ng kasabihan.  Pero kung may paraan ba para tuluyan natin matalo ang mga taran+@%0….ah este gago na mga tsismoso ay willing ba natin gawin ito?  Pasensiya na kung napapamura ako pero kung nabiktima ka na ng tsismoso ay maiintindihan mo ako.  At ang murang gagamitin mo ay hindi lang gago.
 
Ego
Nararamdaman din natin na nakaka-angat tayo sa iba kapag pinaguusapan natin sila.  Gumagaan ang ating mga banko at nabubuhat natin ng pagkataas-taas kapag may gumatong sa ating tsimis na panimula.  Ganito usually ang panimula ng tsismis—Alam mo na ba ang latest kay Juan at Maria?  At kapag may sumagot ng “Ano? Ispluk (reveal) mo na yan! Nagsisigaanan ang mga bankuan at jina-judge na agad ang taong pinaguusapan na para bang ang mga tsismoso’t tsismosang nag uusap ang pinaka magagaling at mga pinaka hindi gumagawa ng kasalanan.  Hindi natin usually ito napapansin kapag parte tayo ng usapan pero ramdam na ramdam mo ang kayabangan kung hind ka kasali at hindi mo sinasadyang marinig lang.  Matatapos ba ito? Wala na bang hangganan ang ganitong walang kwentang usapan?
 
Oras na sinasayang na hinding-hindi maibabalik.  
Mas maigi sana kung ang iniisip or pinag uukulan ng pansin ay mga inspirasyon sa buhay o di kaya mga paraan para tuluyan kang magbalik sa lupang sinilangan.  Nuong nasa Pilipinas ka parang ok lang mapagusapan ngunit pagdating mo sa ibang bansa para bang sinakluban ka ng mundo kung ikaw na ang pinagbubuntungan.
Sa totoo lang, maiinis ka na lang at bumubulong ka sa sarili kung may magagawa ka ba para tuluyang mawala ang ugaling ito ng ating mga kababayan.  
 
My Testimonial
Bago pa man ako napunta dito sa Hong Kong para maging OFW at makipagsapalaran, tinanong ko ang aking matalik na kaibigan na nauna na sa aking naka alis.  Heto ang tanong ko at malamang tanong niyo din ito bago kayo umalis—Ano ang nagiging problema mo dyan sa kasalukuyan para maiwasan ko na o magawan ng paraan para hindi ko na din problemahin pagdating ko dyan?
Nagulat ako sa sinabi ng matalik kong kaibigan.  Walang pag aalinlangan at hindi man lang pinag isipan ang sagot at lumabas na lang sa kanyang bibig— kaya niyo bang hulaan?
 
 

Tama ka.
Tsismis nga.
 
Kaya’t heto ang tatlo sa pinaka mabisang paraan para tuluyang maiwasan, matalo o matapos na ang usapan pagdating sa tsismisan.
 
Anti-Tsismis Proven Tactics
3 U’s
 
Unfollow/Unfriend
Malamang sa malamang ang kakilala mong tsismosa o tsismoso ay nasa Facebook.  At malamang sa malamang din ay sa FB niya nilalagay ang kwento ng kanyang mga pinagtsi-tsismisan.  Unfollow/unfriend mo ang kolokoy para hindi mo masagap ang latest na usapan at masayang na naman ang pinaka iingatan mong oras at iukol mo sa mga bagay na may kabuluhan.  Ang kagandahan po neto ay malalaman niya sa Notification niya na ginawa mo ngang putulin ang pinakamakapit ninyong way of communication.  Ito ang pakay ng suggestion na ito at huwag mong ikahiya.
 
Umiwas
About face ka kaagad sa naguumpisang session.  Tumalikod ka agad sa namumuong bulong-bulongan.  Umiwas ka na ng tuluyan kapag inumpisahan na ang pangungusap ng—Narinig mo na ba ang latest kay… kahit kating kati ka ding malaman.  Tandaan mo na ang kating iyan ay humahapdi nang humahapdi kapag ikaw ang pinag uusapan. Kaya’t uulitin ko ang payo na kung ayaw mong gawin sa iyo ay Umiwas ka na lang.
Huwag mo ding itago at lantaran mong iparamdam ang iyong ginagawang paraan na maiwasan ang tsismisan.
 
Um-OO ka na lang
Confirm everything na tinatanong sa iyo lalung-lalo na kung ito ay tungkol sa iyong mga malalapit na kaibigan.  
For example, 
“Alam mo may nagsabi sakin na ang kaibigan mo daw ay may kabit?”  Sagot mo ay OO, pano mo nalaman? Sabay iwas kasi busy ka o di kaya baguhin mo ang usapan.
[same people..]
“Alam mo may nagsabi sakin na wala naman palang kabit ang iyong kaibigan?” Sagot mo ay OO, pano mo nalaman? Sabay iwas kasi busy ka o di kaya baguhin mo ang usapan.
Ano mang itanong ay heto ang isagot—OO, pano mo nalaman? Sabay iwas kasi busy ka o di kaya baguhin mo ang usapan.
Sa puntong ito ay litong-lito na ang iyong tsismoso/tsismosa mong kausap.  Ipinaparating mo sa kanya na wala siyang impormasyong sa iyo ay masasagap.  OO ang sagot mo pero walang kabuluhan kaya tapos agad ang usapan. Ang hanap ng isang tsismoso/tsismosa ay humaba ang usapan.  Tuwang tuwa siya na sa kanya galing ang kalokohan.
 
Hindi mo kasalanan
Alam kong medyo harsh ang mga paraan na ito at siguradong pag uugatan ng mga hindi pagkakaintindian sa iyong mga kaibigan sa ibang bansa.  Pero kung gusto mo ng katahimikan at hindi maligaw ng landas sapagakat ang pinaka importante sa iyo ay ang pamilya mong naiwan.  Ipinapangako ko sa’yo na mararamdaman mo na para kang iniiwasan na para kang may ketong kasi ayaw mo na ng tsismisan.  Ikaw pa ang pagbubulong-bulongan na para kang punong-puno ng kayabangan kasi hindi ka nakikihalubilo sa kanilang usapan.  Napaka seryoso mo daw at hindi ka na marunong mag relax, chillax at makipagwentuhan.  
Ganun na kalaganap at tanggap ang pagiging tsismoso/tsismosa ng mundo na kapag ikaw ang umiwas dito ay para bang may mali sa iyo.
Panahon na para baguhin mo ito.
Ipinapangako ko din sa’yo na kapag nangyari ito ay hindi mo kasalanan.  Hindi mo kasalanan na hindi ka tsismoso/tsismosa.  Hindi mo kasalan na mas gusto mong ituon ang oras mo sa pamilya mo.  Hindi mo kasalanan na pinapahalagahan mo ang oras mo at hinding-hindi mo ito sasayangin.   Walang mali sa iyo kapag in-unfollow/unfriend mo sila dahil dito.  Walang mali sa iyo kapag umiwas ka sa kwentuhan.  Walang mali sa iyo kapag hindi mo sineseryoso ang pakikipag usap at umo-OO ka na lang.  
Ang ginagawa mo ay nag bi-build up ka ng reputasyon na hinding-hindi mo ito-tolarate ang tsismis.  Hindi mag uumpisa sa’yo.  Hindi ikaw ang isa sa magkakalat nito bagkus eh ikaw pa ang puputol sa ugat at itatapon mo sa malalim na balon kung saan ito nararapat na mai-baon.
 
I-tag mo ang kakilala mong tsismosa o tsismoso, pustahan tayo ide-deny niya yan.  Gawin mo lang ang tatlong suggestion na ito kung talagang gusto mong mawalay sa anino ng tsismis.  Pero kung hindi naman at nag eenjoy ka sa iyong escape, tuwang-tuwa ka sa iyong entertainment at proud na proud ka sa napakataas mong banko (ego) ay tuloy mo lang yan pero asahan mo na ia-unfollow/unfriend kita, umiwas ako ng tuluyan at iCONFIRM (Um-OO) ko lahat ng tanong mo na ang pakay ay tsismis.  Asahan mo na din na hinding-hindi kita mami-miss.
 
P.S.  Mas tsismosa ang lalaki.  
 
Sang ayon po ba kayo sa aking mga suggestion?
Ano pa po ba ang mga naiisip ninyong paraan para makaiwas sa Tsismis?  
Kapag may lumapit na para magkwento, kating-kati pa rin ba kayo malaman ang latest?
Lagi po akong nagchecheck, mababasa ko ang iyong comment at ako po ay magre-reply, promise!

What do you think?

comments

Leave a Reply

PRE-ORDER
THINK HOME, OFW BOOK

also Join the Community and never miss a post.